Parehong lalaki at nakakabit pa ang pusod nang matagpuan sa magkahiwalay na lugar ang dalawang sanggol na bagong silang. Ang isa, nilalanggam na nang makita sa labas ng bahay, habang sa gilid naman ng daan natagpuan ang isa pa.
Sa ulat ni Aileen Pedrosa sa Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nakita ang isang sanggol sa labas ng isang bahay sa Barangay San Jose sa Talisay, Camarines Norte noong Linggo ng umaga.
Ayon kay Edna Elimos, lumabas siya ng bahay nang may madinig siyang iyak ng sanggol. At nakita nga niya ang sanggol na nakapatong lang sa tela at nilalanggam na.
Kaagad siyang humingi ng tulong para madala sa pagamutan ang bata.
"Sana sa magulang niya, makonsensya siya sa anak niya. Iniwan niya na walang kamuwang-muwang," sabi ni Edna.
Nagsasagawa na ng monitoring ang awtoridad tungkol sa mga buntis sa lugar na kabuwanan na para alamin kung nanganak na.
Tiniyak ng pulisya na sasampahan nila ng kaukulang kaso ang magulang ng sanggol na inabandona.
Nasa mabuti nang kalagayan ang sanggol, ayon sa ulat.
Sa Barangay Poblacion 1 sa Sagay City, Negros Occidental, isang bagong silang na sanggol din ang nakitang iniwan naman sa gilid ng daan.
Ayon sa pulisya, madaling araw pa lang ay nakarinig na ng ingay na tila iyak ang mga residente na malapit sa lugar kung saan nakita ang bata.
Pero dahil inakala nilang pusa lang ang pinagmumulan ng ingay, hindi nila ito binigyan ng pansin. Kinaumagahan pa nakita ang sanggol nakabalot sa tuwalya na nasa damuhan sa gilid ng daanan.
Nakakabit pa ang pusod ng sanggol na kaagad na dinala sa pagamutan. Nasa mabuti na rin itong kalagayan.
Inaalam din ng pulisya kung sino ang magulang ng sanggol. --FRJ, GMA Integrated News