Bangkay na at walang saplot pang-ibaba nang matagpuan ang isang pitong taong gulang na estudyante matapos siyang halayin umano at pukpukin ng matigas na bagay sa ulo sa Cotabato.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing natagpuan ang katawan ng biktimang Grade 2 student sa isang palayan sa Barangay New Pandan sa Matalam sa unang araw ng balik-eskuwela noong nakaraang linggo.

Lumabas sa imbestigasyon na ipinasuyo ng ama ng bata na ihatid sa paaralan ang kaniyang anak sa 21-anyos na lalaking si alyas “John” na kaniyang kakilala, ngunit hindi na nakapasok ang bata.

Dinakip na si alyas “John” na nahaharap sa kasong rape with homicide. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News