Nagbayanihan ang mga residente sa isang barangay sa Piddig, Ilocos Norte na binuhat ang bangkay ng kanilang kalugar para maitawid sa rumaragasang ilog at madala sa punerarya.
Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa GMA News “24 Oras” nitong Byernes, sinabing inilagay sa kawayan ang mga labi ng 90-anyos na nasawi at saka pinasan ng mga residente at sinuong ang rumaragasang ilog.
Nang mailagay na sa kabaong ang bangkay, muli nila itong inilagay sa kawayan at binuhat.
Samantala, malaking bahagi naman ng Licerio Antiporda Sr. National High School sa Buguey, Cagayan ang napinsala dahil sa pananalasa ng bagyong Goring, na sinamahan pa ng pagtama ng buhawi.
Natanggal ang mga pinto at bubong ng ilang silid-aralan dahil sa lakas ng hangin.
Sa Camalaniugan sa Cagayan din, maraming palayan naman ang nalubog sa baha. Sa bayan ng Sto. Nino at Cattran, may bahagi ng tulay ang gumuho.
Nagkaroon din rockslide sa Kennon Road, at ilang kalsada ang naapektuhan ng landslide sa Apayao.-- Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News