Pinatay sa taga ang isang ginang at dalawa niyang anak -- isang edad tatlo, habang limang-buwang-gulang naman ang isa pa-- sa Catbalogan City, Samar.

Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, magkakayakap umano ang mga biktima nang makita ang kanilang mga bangkay sa bukirin.

Pawang nagtamo ng mga taga sa katawan ang mga biktima, ayon sa awtoridad.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sinabing ang kinakasama ng ginang ang nakakita sa bangkay ng mga biktima.

Kaagad umano itong humingi ng tulong sa barangay at ilang residente sa lugar.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang salarin at motibo sa likod ng karumal-dumal na krimen.-- FRJ, GMA Integrated News