Isang punong barangay sa Libon, Albay ang nasawi matapos siyang pagbabarilin sa labas ng kaniyang bahay ilang oras makaraan siyang maghain ng Certificate of Candidacy (CoC) para sa darating na eleksyon.
Sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Alex Repato, kasalukuyang punong barangay ng San Jose.
Bago mangyari ang krimen, galing umano sa lokal na tanggapan ng Commission on Elections si Repato at nagsumite ng kaniyang CoC upang tumakbong muli sa kaparehong posisyon para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Papasok na umano sa kaniyang bahay ang biktima kaninang dakong 4:00 pm nang pagbabarilin siya ng salarin na nakaangkas sa motorsiklo.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang biktima. Nakatakas naman ang mga salarin.
FLASH REPORT: Barangay Libon, Albay Chairman, pinagbabaril, patay! | via Carlo Mateo pic.twitter.com/Z3OW9CFR7F
— DZBB Super Radyo (@dzbb) August 28, 2023
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam din kung may kaugnayan sa pulitika ang krimen.-- FRJ, GMA Integrated News