Nauwi sa trahedya ang pamamasyal ng mga magkakaanak nang bumangga ang sinasakyan nilang van sa isang trailer truck sa La Union. Anim ang nasawi, kabilang ang isang babae na walong-taong-gulang.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing apat na sakay pa ng van ang nasugatan at dinala sa pagamutan.
Nangyari ang insidente sa Barangay Santiago sa Bauang, La Union.
Ayon kay Police Major Dominador Apostol, hepe ng Bauang Police Station, base sa testimonya ng mga saksi, nag-swerve ang van at napunta sa linya ng trailer truck.
Ïto namang [driver ng] trailer truck, sinubukan pa niyang iwasan, nag-shoulder siya pero nahagip pa rin siya ng van," dagdag ni Apostol.
Ligtas naman at nagtamo lamang ng minor injuries ang driver ng truck.
Nagkaroon na rin umano ng pag-uusap sa nangyaring trahedya, ayon sa pulisya.
Naiuwi na sa Isabela ang mga labi ng apat na biktima.
Ayon sa kaanak ng dalawa sa mga nasawi at nakaburol sa La Union, pauwi na sana ang mga biktima mula sa pamamasyal sa isang beach sa Dagupan City, Pangasinan nang mangyari ang insidente.
Inihayag ng kaanak na sa Baguio City sana ang orihinal na plano ng grupo na mamamasyal.
Nagpaalala naman ang pulisya sa mga bumiyahe ng ibayong pag-iingat para makaiwas sa sakuna lalo na kapag may bagyo. --FRJ, GMA Integrated News