Doble ang kasiyahan ng mga magulang ng isang kambal sa Lipa City, Batangas dahil nagtapos na parehong magna cum laude ang kanilang mga anak.

Sa ulat ni Deniece Abante sa Regional TV News nitong Lunes, sinabing kapuwa nagtapos sa kursong Bachelor in Science Psychology ang kambal na sina Royce at Rainier Manalo.

Napag-alaman na magkaklase mula pa sa pagkabata ang kambal, at consistent honor students hanggang makarating sa kolehiyo.

Kaya naman very proud sa kambal ang kanilang mga magulang na sina Zaldy at Ivy Manalo.

Dahil magkaklase mula sa pagkabata, hindi naging mahirap para sa kambal ang pag-aaral.

Ayon kay Rainier, wala ring kompetisyon sa kanilang magkapatid.

Sinabi naman ni Royce na lagi nilang sinusuportahan ang isa't isa.

"Sini-celebrate lang namin ang every achivement and every success na mayroon kami," dagdag niya.

Pinaghahandaan naman ngayon ng kambal ang kanilang board exam sa susunod na taon. --FRJ, GMA Integrated News