Matinding pambubugbog ang sinapit ng isang lalaking tatlong-taong-gulang sa kamay umano ng sariling ama sa Cabuyao City, Laguna.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras,” namaga at halos hindi na maidilat ng bata ang kaniyang mga mata dahil sa tinamong pananakit.
“Sa basurahan mismo, diyan siya naiyak. Kala namin nung una nabangga, ‘yun pala binugbog ng tatay,” kuwento ng lalaking nakakita at tumulong sa bata.
Agad namang rumesponde ang mga Bantay-Bayan, at itinuro umano ng bata ang kanilang bahay kung saan nahuli ang kaniyang ama.
“Itinuro po niya yung bahay nila. Dinala namin sa presinto ang suspek po,” sabi ni Baranggay Banay-Banay Chairman Eric Barron.
Samantala, itinanggi naman ng ama ang alegasyon pero nanindigan ang bata sa kaniyang pahayag.
“Severely abused, so may mga pasa mula na visible sa kaniyang mukha. Ang naging complainant natin ay ang ating City Social Welfare and Development Office (CSWD) including the Barangay and Women and Children Protection Desk (WCPD) para sa Republic Act 7610 for physical abuse sa victim,” ayon kay Cabuyao Police Chief Police Lieutenant Colonel John Eric Antonio.
Mapapanood ang buong detalye ng insidente sa programang "Resibo.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News