Naisalba ang buhay ng isang lalaking nabilaukan sa isang mall sa Laguna matapos siyang saklolohan ng security guard.
Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Katrina Son, mapapanood sa kuha ng CCTV camera ng mall na napapalibutan ng kaniyang mga kasama ang biktima habang nakaupo at nakayuko.
Nang sandaling iyon, nabilaukan na pala ang biktima at hirap nang huminga.
Ilang saglit pa, tumayo ang isang lalaki na malapit sa biktima at may tinawag.
Dito na lumapit ang isang security guard at niyakap niya mula sa likod ang biktima at binuhat nang paulit-ulit.
Makalipas ang ilang segundo, nakatayo na nang maayos ang biktima at nagpasalamat umano sa tumulong na guwardiya.
Ang bayaning security guard, nakilalang si Hassan Pasco ng Tiaong, Quezon.
Umiikot lamang daw siya noon sa ground floor ng mall nang lapitan siya ng isang lalaki.
Hindi nagdalawang-isip si Pasco na tulungan ang matandang biktima na nailabas ang bumarang pagkain sa lalamunan matapos ang ginawa niyang tila pagyakap dito.
Ang ginawang pagyakap ni Pacso sa biktima mula sa likuran ay tinatawag na Heimlich maneuver o abdominal thrust. Sa ginawa niyang pag-angat sa biktima, mistulang naitutulak ang loob ng tiyan ng biktima para maalis ang nakabara sa lalamunan.
Kasama raw ito sa training bilang security guard, ayon kay Pacso.
“Ganu’n pala talaga kapag security guard ka, talagang lakasan din ‘yan ng loob,” sabi ni Pasco. --FRJ, GMA Integrated News