Nauwi sa suntukan ng mga rider ang nangyaring banggaan ng dalawang motorsiklo sa Malasiqui, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Nalsian Norte, ang isang motorsiklo na may isang sakay na padiretso ang takbo.
Pero nabangga niya ang isang motorsiklo na patawid sa kabilang bahagi ng kalsada na mayroong dalawang sakay na tao.
Kapuwa natumba ang dalawang motorsiklo.
Pero isang rider na nasa lugar din pero hindi kasama sa banggaan ang biglang bumaba ng kaniyang motorsiklo ang pinagsusuntok ang nakasakay sa motorsiklong may nakaangkas.
Tumayo rin ang rider ng isang motorsiklong natumba at nakasama na rin sa suntukan.
Ayon kay Elmer Cristobal, chief tanod ng barangay, may nakainom umano sa mga sangkot sa gulo na nag-ugat sa pikunan sa daan.
Maging ang ilang tao na umawat sa gulo ay nasuntok din.
Ipatatawag naman ng barangay ang mga sangkot sa gulo, habang nasa kanilang kustodiya ang mga motorsiklo ng mga ito.
Dahil naman sa nangyari, nais ng punong barangay na si Andres Tejada, na ibalik ang curfew.
Sinisikap pa na makuhanan ng pahayag ang mga nasangkot sa gulo, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News