Nasawi ang isang 31-anyos na rider na papasok na sana sa trabaho nang bumangga ang kaniyang motorsiklo sa likurang bahagi ng nakaparadang tanker truck sa Tuy, Batangas.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV  Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Louie Macapos, residente ng Nasugbu, Batangas.

Ayon sa pulisya, papasok sana sa trabaho ang biktima sa Cavite dakong 10 p.m. nang mabulaga ito sa nakaparadang truck na nasa gilid ng daan sa Barangay Sabang.

"Galing po siya sa blind curve, ngayon nabulaga siya sa isang truck na nakaparada sa may right side. Sinikap niyang umiwas pero unfotunately, sumalpok pa rin siya sa kaliwang bahagi ng truck," ayon kay Police Major Nepthali Eugenio Solomon, hepe ng Tuy Police Station.

"Mabilis po ang takbo kung kasi mabagal ito, hindi po siya masasalpok doon sa truck," dagdag ni Solomon.

Isinugod sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.

Nagkakaroon na umano ng pag-uusap ang pamilya ng biktima at ang driver ng truck.

Ayon sa ulat, sinisikap pang makipag-ugnayan ng Balitang Southern Tagalog sa pamilya ng biktima at sa driver ng truck para makuha ang kanilang pahayag. --FRJ, GMA Integrated News