Nadakip ang isa sa anim na lalaki na nangholdap sa isang kainan sa Imus, Cavite at nabiktima ang ilang kumakain.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nagpanggap na mga blogger ng ilang tauhan ng Imus Police sa isinagawang operasyon para makumpirma ang kanilang target na suspek na isang fishball vendor.
Nang makumpirma, agad nilang dinakip ang 34-anyos na suspek na kabilang sa mga nakuhanan ng CCTV camera ng isang kainan sa Aguinaldo Highway sa Barangay Anabu 1-D.
Tinangay ng mga suspek ang pera, cellphone, at ibang gamit ng mga biktima sa loob ng restaurant. Ang isa sa mga salarin, nagbanta pa na babarilin ang isang biktima.
Ayon sa pulisya, naging susi sa pagtukoy kay Rotaquio ang kuha ng CCTV na nakita ang ginamit nitong motorsiklo.
Positibong kinilala ng mga biktima ang suspek na isa sa mga nangholdap sa kanila sa kainan.
“Dala lang po siguro ng matinding pangangailangan. Tapos may sinasabi sila sa akin na may malaking pera. Kailangang kailangan ko rin po noong araw na iyon,” sabi ng nagsisising suspek.
Patuloy ang isinasagawang follow-up operation para madakip ang iba pang suspek, pati na ang lider ng grupo na kasama rin nang gawin ang panghoholdap .--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News