Nakunan sa CCTV ang rambulan ng hindi bababa sa 20 kabataan na naghabulan at batuhan ng bote at kahoy sa isang barangay sa Iloilo City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, makikita ang rambulan ng hindi bababa sa 20 lalaki sa Barangay Tanza Baybay.
Kinumpirma ng kapitan ng barangay ng Tanza-Esperanza na mga residente nila ang ilang lalaki sa video.
“Nagsimula ito nang pumunta ang mga bata sa Tanza Timawa Zone II para sana mag-reconcile. Kaya lang lasing ‘yung iba sa kanila. Doon na nag-away sila at naghabulan. Ang ibang bata naman sa amin dito, ready na pala na makipagbatuhan na,” sabi ni Brgy. Captain Wilbur Orada ng Brgy. Tanza Esperanza.
Ipinatawag na ang mga magulang ng mga dawit sa rambol habang ang ilan pa ay pinag-community service.
Dalawa naman ang ipinadala sa crisis intervention unit ng LGU dahil wala na silang mga pamilya.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News