Sinakal at sinapak umano hanggang sa mamatay ang isang babae ng kaniyang live-in partner sa Taal, Batangas, ayon sa ulat ni Kent Abrigana ng GMA Regional TV Davao sa Unang Balita nitong Martes.

Ayon kay Joana Vergara na anak ng biktima, lango sa droga ang suspek nang maganap ang krimen.

"Langong-lango po siya sa droga. Hindi po puwedeng makulong na lang ho siya, hindi ho sapat 'yung pagkukulong lang sa kaniya. Gusto namin mahirapan din siya," ani Joana.

Isinailalim na sa drug test ang suspek, na may "history" na raw ng pananakit at pagpatay, ayon sa pulisya.

"Sa aming validation sa background niya, mayroon po siyang history ng mga pananakit at pagpatay sa probinsiya ng Rizal," ani Police Major Fernando Fernando, hepe ng Taal Police Station.

Naiuwi na ang bangkay ng biktima sa kanilang bahay sa Antipolo City sa Rizal.

Sa video na ipinadala ni Joana sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, makikita ang pag-aaway ng biktima at ng suspek.

Ayon kay Joana, susunduin sana niya ang ina dahil pinagbabantaan daw ito ng kaniyang ama.

"Tapos nu'ng pagkahiga niya, doon na po siya sinampahan ng papa ko, sinimulan pong sakalin siya. Sinimulan niya pong i-untog-untog 'yung ulo sa sinapak-sapak po 'yung ulo," ani Joana.

Inawat ng mga kapitbahay ang suspek at humingi rin ng tulong ang mga kaanak sa barangay at sa pulisya.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero namatay din habang nilalapatan ng lunas.

Batay sa imbestigasyon, nagkaroon daw ng hindi pagkakaintindihan ang biktima at ang suspek.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog na makuhanan ng pahayag ang suspek, na nahaharap sa reklamong murder. —KBK, GMA Integrated News