Apat na araw na hinanap ng mga kamag-anak ang isang lalaki na nalunod pala sa baha na hanggang hita ang taas ng tubig at napunta ang katawan niya sa ilalim ng papag sa Sta. Barbara, Pangasinan.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Gerry Bautista, 51-anyos, residente ng Barangay Minien East.

Bago mangyari ang insidente, nakipag-inuman umano ang biktima sa mga kaibigan. Maayos naman daw itong naihatid sa kaniyang bahay at inihiga pa sa papag na nasa hanggang hita na baha.

Pero makaraan ang apat na araw, hindi nakita ng kaniyang mga kamag-anak si Gerry hanggang sa may makapansin sa daliri ng paa na lumutang nang humupa na ang baha.

Paniwala ng ama ng biktima na si Gavino, nalunod sa baha ang kaniyang anak at napunta sa ilalim ng papag.

"Paghiga niya roon sa papag niya bali-baliktad siya. Tapos pagbaliktad niya nahulog sa tubig na hanggang sa hita. Sa kalasingan medyo nakainom nga hanggang sa napunta doon sa ilalim ng papag, doon na siya na ano," ayon kay Mang Gavino.

Sinabi pa ni Gavino tiningnan pa nila ang bahay ng anak pero hindi nila ito at walang nakahiga sa papag dahil nasa ilalim pala ang bangkay nito.

Nadiskbre na lang ang bangkay ng biktima nang humupa na ang baha.--FRJ, GMA Integrated News