Hindi itinago ng 66-anyos na tricycle driver sa Occidental Mindoro ang labis na kasiyahan matapos na maka-graduate ng elementarya at makapagsuot ng toga.
Sa ulat ni Hazel Abiar sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing nagtapos ng elementarya sa pamamagitan ng ALS o Alternative Learning System si Arturo Fernandez.
Umakyat ng stage nang naka-toga nitong Lunes si Fernandez para tanggapin ang kaniyang certificate of graduation sa Sablayan Central School.
Ayon kay Fernandez, hanggang Grade 2 lang ang kaniyang naabot noong kabataan niya dahil na rin sa kahirapan.
Dahil grade 2 lang ang inabot, nahirapan umano siyang maghanap ng trabaho.
Kaya nang malaman na maaari niyang ipagpatuloy ang kaniyang elementarya sa pamamagitan ng ALS, hindi na niya ito pinalampas.
Aminado naman si Fernandez na hindi naging madali ang lahat dahil nag-aaral siya sa umaga, namamasada ng tricycle simula sa hapon.
Pero sulit naman ang lahat ng kaniyang pagsisikap at pagtitiis.
"Ganito pala [pakiramdam] nakasuot ka ng toga," masayang sabi ni Fernandez.
Plano ni Fernandez na ipagpatuloy ang pag-aaral sa high school sa pamamagitan pa rin ng ALS, hanggang sa makapasok na siya sa TESDA.
"Tutuloy ko po hanggang maka-TESDA para makakuha ng certification. Kung mayroon po akong certification na galing sa TESDA madali po siguro akong matanggap sa trabaho," saad niya.
Mayroong anim na anak si Fernandez at nakatapos na sa kolehiyo ang lima sa mga ito.
Ang misis ni Fernando na si Sally, sinabing suportado nila ng kaniyang mga anak kung ano man ang plano ng kanilang padre de pamilya. --FRJ, GMA Integrated News