Dalawang paa na lang ang nakalutang sa bangkay ng isang pedicab driver na nakita sa creek sa Cagayan de Oro City nitong Martes.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Miyerkules, nakilala ang biktima na si Mario Mancao Jr.

Hinihinala ng mga awtoridad na lasing si Mancao at nahulog sa creek na naging dahilan ng kaniyang pagkalunod.

Ayon pa sa pulisya, nakita sa CCTV camera na bago makita ang bangkay ng biktima, nanggaling ito sa kaniyang pedicab at naglakad patungo sa creek.

Sinabi naman ng isa ring driver na nagpaalam noon ang biktima na magbabanyo ito.

Wala namang nakitang bakas ng foul play sa pagkamatay ng biktima pero isasailalim pa rin umano sa autopsy ang bangkay nito para malaman ang dahilan ng kaniyang pagkamatay. --FRJ, GMA Integrated News