Bukod sa kaso, patong-patong na multa ang inabot ng isang rider na nag-viral sa social media kamakailan matapos siyang makuhanan ng video na padapang umaarangkada sa kaniyang motorsiklo sa bagong bukas na Davao City Coastal Road.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing natiyempuhan ng mga tauhan ng Davao City Transport and Traffic Management Office ang naturang rider.
Sa nag-viral niyang video, nakita ang plaka sa motorsiklo ng rider.
Ayon sa mga awtoridad, peligroso ang ginawa ng rider at maaaring makadamay pa ng ibang motorista kapag naaksidente.
Natuklasan na walang driver's license ang rider, at hiniram lang umano nito ang motorsiklo na walang OR/CR.
Para hindi gayahin ng iba, sinampahan ng reklamo sa City Prosecutor's Office ang rider.
Bukod pa sa mga traffic violations na kinabibilangan ng driving without license, expired OR/CR, wearing of slippers at unprescribed helmet. --FRJ, GMA Integrated News