Patay ang isang bata na dalawang-taong-gulang sa Bacoor, Cavite matapos umanong sakalin ng kaniyang ina na nagpositibo sa drug test.
Ayon sa ulat ng GMA News “24 Oras’ nitong Miyerkules, nasaksihan pa umano ng anim na taong gulang na kapatid ng biktima ang pangyayari.
"Na-discover po kahapon ng tatay pagdating, yung krimen, pag-uwi ng bahay galing sa trabaho. Nakumpirma base doon sa anak na 6-years-old na sinakal nga raw ito ng nanay,” sabi ni Police Major Renalyn Lim, Bacoor City Police PIO.
Isinailalim na sa inquest ang suspek na si Rhina Maninang, na sasampahan ng reklamong parricide.
Ang mga ganitong insidente ang isa sa mga nais na mapigilan ng mga awtoridad at mga duktor na nangangalaga sa mga lulong sa iligal na droga.
Pinakamainam daw na dalhin sila sa mga Treatment and Rehabilitation Center (TRC) para magamot.
“Mahirap mag recover and isang drug dependent kung siya lang mag-isa, kailangan niya ng tulong,” ani Dr. Manuel Panopio, TRC Bicutan Chief Health Program Officer.
Tungkol sa gastos sa rehab, sabi ni Panopio, “Ang mga drug rehab center ika-classify ho 'yan, kung yan ang pasiyenteng ‘yan indigent, libre naman ‘yan.”
Kung hindi indigent o may kakayahan naman, karaniwang nasa P15,000 kada buwan ang bayad sa mga government facilty. Nasa P7,500 naman kada buwan kung co-sharing.
Sa kabila nito ay malaking problema pa rin sa bansa ang kakulangan ng pasilidad.
“According to the 2019 statistics, I might not be sure but it’s not too far from the truth, mga 1.3 million drug users sa bansa. So 13,000 patients where will you put them?,” ani Dr. Alfonso Villaroman, TRC Bicutan Chief of Hospital.
Aminado din ang Department of Health (DOH) na kulang ang mga TRC sa bansa na nasa 88 lang, at kulang din ang mga tauhan nito.
Kaya inilunsad ang programa na magsasanay sa mga gagamot sa pasyente at ibang drug worker.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News