Isa ang patay, at siyam ang sugatan nang bumangga ang isang pampasaherong bus sa mga concrete barrier at mahagipit ang isang construction tent na may mga manggagawa sa North Luzon Expressway sa bahagi ng Apalit, Pampanga. Ang driver ng bus, nakaidlip umano.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing nawasak ang harapang bahagi ng bus matapos sumadsad sa concrete barriers sa northbound ng NLEX sa Barangay Tabuyog.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, papuntang Pangasinan ang bus nang makaidlip umano sa biyahe ang driver.
"As narrated nung driver na involved sa aksidente na ito, nakatulog daw siya kaya nabangga niya yung mga barrier na kung saan may tent na nagtatrabaho yung ating mga construction worker," ayon kay Police Leiutenant Colonel Michael Jhon Riego, hepe ng Apalit Police Station.
Nasawi ang isang construction worker, habang siyam ang sugatan, kabilang ang isang pasahero ng bus.
Nagkaroon naman umano ng aregluhan sa nangyaring aksidente, ayon sa ulat.
Payo naman pulisya sa mga driver lalo na ang mga malayo ang biyahe, magpahinga kapag nakakaramdam ng antok para makaiwas sa sakuna. --FRJ, GMA Integrated News