Nagbunga ang pagsisikap ng mag-amang pagsasaka ang ikinabubuhay na sabay na nagtapos ng senior high school sa Dilasag, Aurora.
Sa ulat ni Claire Lacanilao ng One North Central Luzon sa Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang mag-ama na sina Dennis Pagapulan, at anak niyang si Denver.
Hinangaan ng kanilang mga kapuwa mag-aaral sa Manggitahan National High School ang ipinakitang pagsisikap ng mag-ama upang maitawid ang kanilang pag-aaral.
Pangarap daw ni Tatay Dennis na maiahon sa hirap ang kaniyang pamilya kaya patuloy niyang inaabot ang kaniyang pangarap sa larangan ng edukasyon.
Ayon kay Tatay Dennis, may araw na kailangan niyang lumiban sa klase para tugunan ang kaniyang tungkulin sa pamilya.
Natutuwa naman si Denver na nakasama niya ang kaniyang ama sa pag-aaral.
Masayang-masaya rin ang maybahay ni Tatay Dennis na si Ailyn para sa kaniyang mag-ama
Maging ang pamunuan ng paaralan, natutuwa kina Dennis at Denver, at umaasa silang magiging inspirasyon sa iba ang kuwento ng mag-ama upang patuloy na mag-aral.--FRJ, GMA Integrated News