Isang isang-taong gulang na bata ang nalunod sa baha sa Malolos, Bulacan, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Batay sa kuwento ng tiyuhin ng biktima, naiwang natutulog ang bata sa tabi ng kaniyang ama nang pasukin ng baha ang kanilang bahay.

Pagbalik daw ng ina ng biktima, nakita nitong nakalutang na ang walang buhay na bata.

Samantala, baha rin sa ilang bahagi ng Calumpit, Bulacan kaya ang ilang residente ay sa bangka muna sumasakay.

Sa Hagonoy sa probinsiya rin ng Bulacan, pinagsamang ulan at high tide sa Manila Bay ang dahilan ng hindi pa humuhupang baha. Apektado na nito ang kabuhayan ng mga residente.

Sa Pampanga naman, 80 barangay sa siyam na bayan ang binaha. Pinasok na rin ng tubig ang ilang bahay sa Apalit at Sasmuan. Sa Guagua, napilitan nang mamangka ang ilang residente sa binahang daan. KBK, GMA Integrated News