Isinugod sa pagamutan ang dalawang babaeng guro matapos silang maatrasan at pumailalim sa isang SUV na walang driver sa Batangas City.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente dakong 3:00 pm nitong Huwebes sa Barangay16.
Ayon kay Police Leiutenant Ragemer Hermidilla, chief investigator ng Batangas City Police, nasa bangketa ang dalawang guro nang mag-isang umatras ang SUV.
Kaagad na tinulungan ng ilang guwardiya at iba pang kalalakihan ang dalawang biktima na mahatak palabas mula sa ilalim ng sasakyan.
Matapos mabigyan ng paunang lunas, dinala na sa ospital ang mga biktima para sumailalim pa sa mga pagsusuri.
Sinabi ni Hermidilla, na iniwan ng driver ang sasakyan na bukas ang makina nang mangyari ang insidente.
"Siguro nakalimutan na i-hand break yung sasakyan," ani Hermidilla, na nagpaalala sa mga motorista na tiyaking nakatigil ang sasakyan kapag nakaparada at patayin ang makina.
Magkakaroon pa lang umano ng pag-uusap ang driver ng SUV at ang mga biktima, anang pulisya.
Sinisikap pa na makuhanan ng pahayag ang dalawang biktima at driver ng SUV, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News