Pinatunayan ng isang 37-anyos na ginang na hindi hadlang ang edad para abutin ang kaniyang pangarap. Katunayan, kasabay pa niyang nagtapos ng Senior High School ang kaniyang mga anak sa Naga, Camarines Sur.
Sa ulat ng Regional TV Balitang Bicolandia sa GTV News "Balitanghali" nitong Biyernes, ipinakilala si Nanay Miladel San Jose, na kasamang nagtapos ang mga anak niyang sina Jaime Paula at John Paolo sa Naga City School of Arts and Trades.
Kuwento ni Miladel, natigil siya sa pag-aaral dahil maaga siyang nag-asawa at nagtrabaho para sa mga anak. Ngunit nang magkaroon ng pagkakataon na makapag-aral, hindi na niya ito sinayang pa.
Very proud ang kaniyang mga anak sa kaniya, na hindi maitago ang saya sa naabot ng kanilang nanay.
Ikinatuwa rin nito ng mismong paaralan dahil tiyak magbibigay ng inspirasyon sa publiko ang kuwento ni Nanay Mildred, lalo pagdating sa pagpapahalaga sa edukasyon.
Magkasabay ding nagtapos ng Senior High School ang mag-amang sina Denver at Dennis Pagapulan ng Manggitahan National High School sa Dilasag, Aurora.
Proud ang mag-ama sa isa’t isa dahil nakayanan nilang tugunan ang pangangailangan sa kabila ng hirap at pagod.
Pangarap ni Tatay Dennis na maiahon sa kahirapan ang pamilya kaya pursigido siyang makapagtapos sa pag-aaral.
Ikinatuwa rin ng ina ng tahanan na makita ang determinasyon ng mag-ama na maka-graduate.
Pagsasaka ang ikinabubuhay ng pamilya Pagapulan, na nagsilbi nilang pangtutustos sa pag-aaral.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News