Isang lalaki ang nangholdap sa isang kooperatiba sa Bambang, Nueva Vizcaya kung saan sinampal pa nito ang isa sa mga empleyado nito, ayon sa ulat ni Kaitlene Rivilla ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa Unang Balita nitong Biyernes.
Nahuli ng CCTV ang pagdating ng lalaki sakay ng isang motorsiklo hanggang sa pagpasok niya sa gusali ng kooperatiba para isagawa ang panghoholdap.
Kuwento ng kahera ng kooperatiba, tinutukan siya ng baril ng suspek at nagdeklara ng holdap.
Nang wala raw nakuhang pera, pinuntahan daw ng lalaki ang babaeng bookkeeper ng kooperatiba. Nang magmatigas daw ang bookkeeper ay sinampal ito ng suspek.
Tinangay ng suspek ang bag at pitaka ng bookkeeper na naglalaman ng P1,000.
Bago raw umalis ang suspek ay pinapasok niya ang kahera at bookkeeper sa pantry.
Ayon sa branch manager ng kooperatiba, first time na nangyari sa kanila ang maholdap kaya naman na-trauma sila.
"Parang ayaw na naming pumasok," anang branch manager.
Kumikilos na ang pulisya para makilala at maaresto ang suspek. —KBK, GMA Integrated News