Patay na nang matagpuan sa taniman ng pinya ang isang barangay health worker na ilang araw nang nawawala sa Polomolok, South Cotabato.
Sa ulat ni Abbey Caballero sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing natagpuan noong Miyerkules ang bangkay ni Dexter Saluna, 24-anyos, ng Barangay Sulit.
Ayon sa ina ng biktima na si Lorna, hindi na nakauwi sa kanilang bahay ang kaniyang anak mula noong Lunes, July 10.
Sinabi ng pulisya na inihayag sa kanila ni Lorna na may katatagpuin ang biktima nang araw na mawala ito.
Naniniwala ang pamilya ni Saluna na plinano ang nangyari sa biktima.
Nawawala umano ang motorsiklo, wallet, at cellphone ng biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyari.
“Wala siyang marks, wala siyang wounds. Ang cause of death niya is still under investigation,” ayon kay Polomolok Municipal Police Station Deputy Chief, Lt. Keno Biadoma--FRJ, GMA Integrated News