Huli sa entrapment operation ang isang tricycle driver habang akbay ang isang menor de edad na babaeng estudyante na paalis ng isang mall sa General Santos City. Ang suspek, nauna na umanong minolestiya ang biktima habang sakay ng tricycle.
Sa ulat ni Abbey Caballero sa GMA Regional TV One Mindanao, kinilala ang suspek na si Arwin Hasim, na unang inireklamo ng pangmomolestiya ng 15-anyos na dalagita kaya ikinasa ng mga awtoridad ang entrapment operation.
Ayon kay Makar Police Station Chief Major Robert Fores, isinumbong ng biktimang grade 9 student, na bago ang entrapment operation, sumakay siya sa tricycle ng suspek nang papasok na sa paaralan.
Pero habang nasa biyahe, kinuha umano ng suspek ang kamay ng biktima at inilagay sa maselang bahagi ng katawan ng suspek.
Sinisiko-siko pa umano ng suspek ang dibdib ng biktima.
Pilit pa umanong hiningi ng suspek ang cellphone number ng dalagita.
"Out of fear, binigay niya yung kaniyang cellphone . So nung nagstop na ang tricycle, na about to disembark na yung babae ay mahigpit na niyakap ng suspek ang biktima at hinalikan,” ayon kay Fores.
Matapos ang insidente, nagte-text umano ang suspek sa biktima kaya nagsumbong na ang dalagita sa mga magulang nito, at nagsumbong sa awtoridad.
Dito na ikinasa ang entrapment operation nang makipagkita ang biktima sa isang mall. Habang naglalakad ang dalagita, bigla siyang inakbayan ng suspek para umalis.
Pero bago sila tuluyang makalabas, sinalubong na ng mga pulis ang dalawa ang inaresto ang nasorpresang suspek.
“I advise her to role play and stay calm para mahuli ang suspek at nung nahuli na at naposasan, makikita na may sense of relief on her part as victim ng pangmomolestiya,” ani Fores.
Mahaharap si Hasim sa reklamong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. --FRJ, GMA Integrated News