Nasawi ang magkapatid na construction worker sa Davao City nang bumigay ang canopy na kanilang tinutungtungan at mahulog mula sa ika-11 palapag ng gusali na kanilang pinagtatrabahuhan.
Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regiona TV One Mindanao nitong Huwebes, kinilala ang magkapatid na biktima na sina Noli, 34-anyos, at Garry Antao, 38, na mula sa Manay, Davao Oriental.
Ayon kay Buhangin Police Station Chief Major Joenel Pederio, isa pang katrabaho ng magkapatid ang nakaligtas nang makahawak ito nang bumigay ang canopy na nangyari noong Lunes ng hapon.
Nais naman isang labor group na managot ang construction company sa nangyari kung mapapatunayan na may paglabag ito sa occupational safety and health standards.
Ayon sa pulisya, walang suot na safety gears ang magkapatid nang mangyari ang insidente.
“So karon kana kay nahulog, meaning wala sila nag issue siguro og harness, PPE sa usa ka empleyado ug basi wala si?? kadtong ginatawag nga mga pangsalo nga net. Wala sila mag install niana, so violation kaayo na. Violation kaayo na sa pag-construct sa usa ka building,” paliwanag ni TUCP-Southern Mindanao Regional Vice President Sofriano Mataro.
Wala pang inilalabas na pahayag ang construction company kaugnay sa sinapit ng magkapatid na Antao.
Ayon naman sa isang kaanak ng mga biktima, nakipag-ugnayan na sa kanila ang kompanya at nangako umano na magkakaaloob sa kanilang tulong.
Hindi pa makapagdesisyon kung maghahain sila ng reklamo laban sa kompanya.--FRJ, GMA Integrated News