Sugatan ang apat na sakay ng dalawang tricycle matapos salpukin ng isang van sa Batangas. Ang driver na nakabangga, nakainom umano, ayon sa pulisya.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Calicantos sa San Juan, Batangas.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita na nakatigil ang dalawang tricycle, at nasa unahan nila ang isang SUV na nakatigil din.

Maya-maya pa, isang van ang sumalpot sa likod ng ikalawang tricycle, na tumama naman sa unang tricycle.

Mistulang naipit ang dalawang tricycle dahil bumangga pa sila sa SUV na nasa kanilang unahan. 

Ayon sa pulisya, galing sa bayan ng San Juan ang van at papunta sa Rosario nang mangyari ang aksidente.

"Mabilis yung takbo ng van tapos diumano medyo nakainom itong driver ng van. Nabangga yung isa hanggang nabangga na rin yung iba," paliwanag ni Police Leiutenant Colonel Jesus Lintag, hepe ng San Juan Police Station.

Dinala sa ospital ang mga biktima na nalaglag mula sa tricycle ang tatlo sa lakas ng pagkakabangga.

Ayon pa sa mga awtoridad, bago ang insidente may nauna nang motorsiklo na nasagi ang van.

Nasa kostudiya ng mga awtoridad ang driver ng van habang inaayos pa ang pinal na pakikipag-usap nito sa mga biktima.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga biktikma at ang driver ng van, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News