Natagpuang patay at may mga saksak sa katawan ang isang babae sa loob ng kaniyang bahay sa Baguio City. Ang suspek sa krimen, dalawang menor de edad.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Floradel De Mesa, na nagtamo ng tatlong saksak sa dibdib.

Nawawala rin ang halos P100,000 ng biktima na gagamitin sana sa operasyon ng kaniyang mister.

Ayon sa awtoridad, tukoy na nila ang dalawang suspek na parehong menor de edad.

Nanawagan naman sa mga suspek ang nagluluksang mister ng biktima na si Jonar, na sumuko na ang mga ito.

Nagsasagawa na ng operasyon ang mga pulis para madakip ang mga suspek.--FRJ, GMA Integrated News