Patay ang isang rider sa Pampanga matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang bus. Sa Ilocos Sur, sugatan naman ang isa pang rider nang makabanggaan naman ang isang kotse.

Sa ulat ni Breves Bulsao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Lourdes sa Lubao, Pampanga.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang motorsiklo ng biktima na lumihis ng takbo patungo sa kabilang linya ng kalsada at bumangga sa kasalubong na bus na patungong Bataan.

"Sumalpok siya doon sa isang bus, immediately nirespondehan ng ating disaster [rescue] by ambulance papunta sa ospital. Pero doon na siya naabutan na wala na siyang buhay," ayon kay Police Leiutenant Colonel Dederick Relativo, hepe ng Lubao Police Station.

Nauwi umano sa aregluhan ang insidente.

Sa Santa, Ilocos Sur, nasugatan naman ang isang 32,ayons na rider nang makasalpukan ang isang kotse.

Nagtamo umano ng bali sa paa ang rider.

Ayon sa pulisya, umagaw ng linya ang kotse kaya nakabanggaan ang motorsiklo. --FRJ, GMA Integrated News