Nag-alok ng P200,000 na pabuya ang lokal na pamahalaan ng Sariaya, Quezon para sa makapagtuturo sa suspek sa pagpatay sa barangay chairman ng Barangay Guisguis-San Roque.
Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB nitong Linggo, namatay ang biktima na si Benedicto Robo, 62-anyos, matapos pagbabarilin umano ng suspek na kinilala na si Marvin Fajarda Flores.
Ano mang impormasyon tungkol sa suspek ay maaaring ipagbigay alam agad sa Sariaya Municipal Police Station o sa pinakamalapit na himpilan ng mga pulis, aniya ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Crame mula sa Quezon Provincial Police Office, kumakain ang kapitan sa labas ng basketball court ng barangay nang lapitan at komprontahin siya ni Flores noong Biyernes ng gabi.
Ilang saglit pa, pinagbabaril na umano nang malapitan ng suspek ang kapitan.
Agad na tumakas ang salarin matapos ang pamamaril samantalang dinala sa ospital ang biktima. Binawian din ng buhay ang biktima habang ginagamot.
Bago nangyari ang pamamaril, pinagsabihan umano ni Robo ang suspek dahil sa naging asal nito umano dahil sa impluwensya ng alak.
Nauwi ito sa pagtatalo hanggang sa umalis na lamang ang kapitan para hindi na lumala ang away, ngunit binalikan pa rin siya umano ng suspek at pinagbabaril. —Giselle Ombay/KG, GMA Integrated News