Humandusay sa gitna ng kalye ang isang rider matapos sumemplang ang minamanehong motorsiklo dahil umano sa tumawid na aso sa Batangas.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Marauoy, Lipa City, Batangas.
Ayon sa City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) na rumesponde sa insidente, papasok sa trabaho ang 43-anyos na rider kaninang 5:00 am nang mangyari ang sakuna.
Matapos bigyan ng paunang lunas, dinala sa ospital ang rider para maobserbahan.
Sinabi ni Arnulfo Caspe Jr., Admin Assistant I ng Lipa-CDRRMO, posibleng nagtamo ng bali sa braso at binti ang rider.
Hindi na nakita sa lugar ang aso na sinasabing dahilan ng pagsemplang ng biktima.
Nagpaalala naman si Caspe sa mga may alagang aso na itali ang mga ito upang hindi maging dahilan ng disgrasya sa daan.
Pinayuhan din niya ang mga rider na maging maingat sa pagmamaneho. --FRJ, GMA Integrated News