Patay ang isang lalaki matapos siyang pampasin ng pala sa ulo ng kaniyang kainuman sa Urdaneta City, Pangasinan. Ang suspek, nagalit umano sa hindi magandang salita na sinabi ng biktima tungkol sa asawa ng una.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Marvin Ebreo, residente ng Barangay Palina East.

Ayon sa pulisya, sinabihan umano ng biktima na prostitute ang asawa ng suspek na dahilan ng krimen.

Kuwento ng isang saksi, idinahilan umano ng biktima na nadinig niya lang sa mga kapitbahay ang nabanggit tungkol sa asawa ng suspek.

Nang maupo ang biktima, may nakita umanong pala ang suspek at hinataw nito sa ulo si Ebreo.

Nagtamo ng matinding sugat si Ebreo na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Tumakas naman ang suspek matapos ang krimen pero nahuli rin siya ng mga awtoridad.

Humihingi ng katarungan ang ina ng biktima sa sinapit ng kaniyang anak.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang nakadetineng suspek, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News