Nasawi ang isang babae na nadikitan ng box jellyfish habang naliligo sa beach ng Sta. Fe sa Bantayan Island sa Cebu.
Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Leslie Ann Madronero, 31-anyos, mula sa Valencia sa Bohol.
Kinumpirma ng alkalde ng Sta. Fe na si Ithamar Espinosa ang insidente sa kaniyang social media page.
Naliligo umano sa beach ang biktima kasama ang mga kaibigan noong Linggo nang mangyari ang insidente.
Ayon sa lokal na pamahalaan, magkakaloob sila ng pinansiyal na tulong sa pamilya ng biktima.
Pinayuhan din nila ang mga bisita na mag-ingat sa mga beach kapag may namataang jellyfish.
Sinabi ni Allan Poquita, regional director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Region 7, karaniwan ang jellyfish kapag summer season.
“Kung summertime, mataas talaga ang temperature, lumalabas talaga sila. Hindi naman ‘yon ang makapag-trigger ng sakit sa mga dadaanan, halimbawa, high blood ang isang tao, ‘yon ang puwedeng makapag-trigger," ani Poquita.
Payo niya, maaaring matanggal ang kapit ng jellyfish gamit ang langis tulad ng baby oil.
"Puwedeng baby oil, used oil or cooking oil? Oo, puwede kahit coconut oil or sunblock kasi oily na 'yon," saad niya. —FRJ/KG, GMA Integrated News