Nahuli ng mga residente ang isang sawa na hinihinalang nasa likod ng pagkawala ng mga alaga nilang manok at pato sa Pasuquin, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Breves Bulsao ng One North Central Luzon sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing may habang isang metro ang sawa.

Gabi nang mahuli ang ahas matapos maalarma ang mga residente sa ingay ng mga aso na tila nag-aaway.

Nahuli ang sawa pero namatay din kinalaunan dahil sa tinamo nitong mga kagat mula sa mga aso.

Ayon sa mga residente, ilang manok at pato na alaga nila ang nawawala nitong nagdaang mga araw. Hinala nila, sawa ang may kagagawan ng pagkawala ng kanilang mga alaga.

Nagpaalala naman sa mga residente ang Municipal Environment and Natural Resources Office na ipagbigay-alam sa kanila at huwag papatayin o kakatayin kapag may nahuli silang delikadong hayop.--FRJ, GMA Integrated News