Nagtamo ng saksak sa leeg at nasawi sa loob ng kanilang bahay ang isang guro sa Dumalinao, Zamboanga del Sur. Ang suspek sa krimen, ang mister ng biktima na tagapag-alaga ng kanilang anak na may special needs.

Sa ulat ni Krissa Dapitan ng GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Cirila Parila, 48-anyos, at guro sa Rebokon Agricultural Vocational High School.

Sumuko naman sa mga awtoridad ang suspek na si Allan Parila, 50-anyos, walang trabaho, at nag-aalaga sa kanilang anak na may autism.

Nangyari ang krimen sa mismong bahay ng mag-asawa sa Barangay Camalig ng nasabing munisipalidad nitong Linggo ng umaga.

Nakita ang duguang bangkay ng biktima sa loob ng kanilang bansa na may saksak sa leeg.

Ayon kay Dumalinao Municipal Police Station Acting Chief, Major Rene Sagan, inamin ng mister ang nagawa niya sa kaniyang misis at lumilitaw na selos ang ugat ng krimen.

Nahaharap ang suspek sa reklamong parricide in relation to RA 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004. --FRJ, GMA Integrated News