Pumailalim at nasawi ang dalawang sakay ng isang motorsiklo matapos silang mahagip ng isang truck sa Santa Ana, Pampanga.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay San Bartolome na tinatahak ng motorsiklo at truck ang parehong direksyon.

Pero nahagip ng bumper ng truck ang motorsiklo na dahilan ng trahediya at pumailalim ang dalawang biktima.

Ayon sa pulisya, hindi tumigil ang driver ng truck pero natunton din siya ng mga awtoridad kinalaunan.

"Sabi niya hindi siya nakahinto kaagad kasi kapag loaded siya hindi daw siya advisable na huminto kaagad. Medyo kinabahan din daw siya at natakot sa nangyari," ayon kay Police Corporal Jeffrey Avena, imbestigador ng Sta Ana Police Station.--FRJ, GMA Integrated News