Nagulantang ang mga tao na malapit sa isang nakaparadang kotse sa Davao City nang biglang sumabog ang sasakyan.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente kaninang umaga sa Ecoland Drive sa Barangay Matina.
Ayon kay Davao City Police Office (DCPO) director Colonel Alberto Lupaz, pag-aari ng abogadong si Alberto Magulta ang sasakyan.
Hinala ni Magulta, may kinalaman sa hinahawakan nilang kaso ang pagpapasabog sa kaniyang sasakyan.
Ilang minuto pa lang daw nakabababa ng sasakyan si Magulta nang mangyari ang pagsabog.
Dumating sa lugar ang explosive and ordinance disposal unit ng pulisya para mag-imbestiga at mangalap ng ebidensiya para malaman kung anong uri ng pampasabog ang ginamit ng mga salarin.
Sa kuha ng CCTV camera, may nakita umanong dalawang lalaki na lumapit sa sasakyan bago nangyari ang pagsabog.
Wala naman nasaktan sa insidente. --FRJ, GMA Integrated News