Tatlo ang arestado at mahigit P1 milyong halaga ng umano'y marijuana ang nasabat sa isang buy-bust operation sa Malolos, Bulacan.

Nakilala ang mga inaresto na sina Maribeth Melendez, Raffy Magpalit Jr. at Arvin Meneses, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Nangyari ang buy-bust operation sa Barangay Sumapang Matanda.

"Itong mga naaresto natin ay umakyat ng Benguet para kumuha ng marijuana. At ide-deliver nila dito sa atin sa Bulacan," ani Police Captain Jereland M. Salinas, hepe ng Malolos City Police.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga suspek na mahaharap sa kaukulang reklamo. —KG, GMA Integrated News