Patay na at tadtad ng saksak sa katawan nang matagpuan ang isang babae sa bakanteng lote sa Tigbao, Zamboanga del Sur nitong Sabado.

Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Jenalyn Candao, tinatayang 30-anyos, na mula sa Zamboanga Sibugay.

Ayon kay Police Staff Sergeant Xandro Jaca, imbestigador, isang lalaki na papunta sa sapa ang nakakita sa bangkay.

Tinatayang 11 saksak ang tinamo ng biktima sa iba't ibang parte ng katawan nito.

Nakita sa pinangyarihan ng krimen ang eco bag, pera, at ticket sa bus.

Sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad, nalaman na nakuhanan sa dashcam ng isang bus ang biktima habang naglalakad sa Dumalinao, Zamboanga del Sur noong June 9.

Sumakay umano ang biktima sa bus mula sa Pagadian City at bumaba sa town proper ng Dumalinao.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.--FRJ, GMA Integrated News