Nagtamo ng malubhang sugat sa mukha ang isang babae sa San Fernando, Pampanga matapos siyang sakmalin ng asong gala na positibo sa rabies. Labing-tatlo pang residente ang inatake ng aso, na mga bata ang karamihan.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV News nitong Lunes, makikita sa CCTV camera ang pagpasok ng aso sa isang tindahan sa Barangay Calulut kung saan nagpapahinga ang 40-anyos na babaeng biktima.
Maya-maya pa, kinagat na ng aso ang babae sa mukha.
“Nang tumayo ako, bigla na lang niya akong kinagat. Tapos dinala na ako sa ospital,” pahayag ni Mary Ann Valderas.
Ayon sa ulat, 14 na residente ang naitala sa barangay na inatake ng aso, na isang Belgian Malinois, na hindi pa alam kung sino ang may-ari.
Napatay naman ng mga residente ang aso, na kumpirmadong positibo sa rabies.
“Ang usual symtoms ng rabies, 'yun yung tinatawag nating curious type ng rabies. Nangangagat siya even yung mga inaminate na objects, kinakagat niya. One hundred percent mortality ‘yung rabies kapag hindi nabakunahan ‘yung mga tao,” ayon kay Dr. Ryan Paul Manlapaz ng CSFP Agriculture and Veterinary Office.
Sa ilalim ng Anti-Rabies Act of 2007, obligasyon ng mga may-ari ng aso na pabakunahan ng anti-rabies ang kanilang alaga.
Nakasaad din sa batas na may pananagutan ang may-ari ng aso sa pagpapagamot kapag may nakagat ang kanilang alaga.— FRJ, GMA Integrated News