Sa kulungan ang bagsak ng isang ginang sa Dinalupihan, Bataan matapos siyang arestuhin ng mga awtoridad dahil sa paggamit umano sa tatlo niyang menor de edad para sa online kalaswaan.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita ang pagsalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation sa bahay ng ginang kung ginagawa umano ang kahalayan sa kaniyang mga anak.
Ang mga biktima, kinukunan umano ng suspek ng mga malalaswang larawan at video na ipinapadala sa kaniyang mga kliyente sa ibang bansa.
Inaresto ang ginang matapos makumpirma ang ebidensya sa mga nakumpiskang cellphone na naglalaman ng child sexual abuse and exploitation materials.
Nagsagawa ng operasyon ang NBI matapos makakuha ng impormasyon mula sa Australian Federal Police tungkol sa isang nadakip na Australyano na nag-iingat ng child sexual abuse and exploitation materials.
“Na-identify po nila na mukhang Filipino po itong mga depicted sa photographs and videos kaya ni-refer po nila sa atin,” sabi ni Atty. Gertrude Manandeg, Deputy Spokesperson ng NBI.
Nagsasagawa rin ng imbestigasyon ang NBI sa iba pang Pinoy na posibleng naka-transaksiyon ng nasabing Australyano.
Dinala na sa Department Of Justice (DOJ) ang ginang na posibleng maharap sa mga reklamong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation Act, Anti Child Abuse Law, at Anti Trafficking in Persons Act.
“Akala po ng ating perpetrators especially when facilitated by their parents or relatives akala nila walang epekto sa bata just because ‘di naman nahahawakan ang mga batang ito. But time and time again sinasabi po ng ating mga experts may long term na epekto po ito sa mga bata,” sabi ni Manandeg. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News