Nakaranas na ng mga pag-ulan at pagbaha ang ilang bahagi ng bansa kahit malayo pa ang kinaroroonan ng super Typhoon Mawar sa Pacific Ocean.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing halos mag-zero visibility ang mga pangunahing kalsada sa Laoag, Ilocos Norte sa kasagsagan ng pag-ulan.
Samantala, katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang naramdaman sa ilang bahagi ng Tuguegarao City sa Cagayan.
Sa bayan ng Hungduan sa Ifugao, gumuho ang isang bahagi ng bundok, at naapektuhan ang ilang kalsada at ilang bahay sa lugar.
Hindi rin nadaanan ang ilang bahagi ng kalsda sa Kibungan, Benguet matapos ang paguho ng mga bato at putik, kasunod ng paglambot ng lupa dahil sa pag-ulan sa lugar.
Sa Central Luzon, nakaranas naman ng mga pag-ulan ang mga taga-Gapan, Nueva Ecija. Binaha ang ilang kalsada, na sanhi ng pagbagal ng daloy ng trapiko.
Sa Cabanatuan City, nahuli-cam ang pagtama ng kidlat sa may gate ng isang bahay.
Ayon sa PAGASA ang mga pag-ulang naranasan sa Luzon ay dulot ng localized thunderstorms. —LBG, GMA Integrated News