Nabisto ng mga awtoridad ang mahigit sa P18 milyong halaga ng umano'y cocaine sa Clark International Airport sa Pampanga.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, nakuha ang hinihinalang cocaine ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC) sa bagahe ng isang South African.
Aabot sa 30 packs ng illegal na droga na binalutan ng tela, carbon paper, at itinago sa mga jacket ang nakumpiska mula sa suspek.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek na dayuhan. —LBG, GMA Integrated News