Kung malas sa iba ang "13," suwerte naman ito sa isang lalaki sa Oriental Mindoro. Dahil makaraang mabigo ng 12 ulit sa pagkuha ng Licensure Examination for Teachers o LET, nakalusot na siya sa ika-13 pagkakataon.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, sinabing kabilang si Oliver Landicho, ng Socorro, Oriental Mindoro, 72,000 examinees na nakapasa sa nakaraang March 2023 LET.
Nakakuha si Landicho ng score na 78.80, sa ika-13 kuha niya ng LET.
"Wala sa isip ko na titigil ako na mag-take ng board. Sabi ko, tuloy-tuloy lang. Ang sa akin kasi, gusto ko makuha 'to, gusto ko mapatunayan sa sarili ko, gusto ko may regalo ako sa mommy ko. Gusto kong makapasa talaga na matagal ko nang hinihintay," ayon kay Landicho, na unang pangarap noon na maging pari.
Pangalawa sa tatlong magkakapatid si Landicho, at inispirasyon niya sa pagiging guro ang kaniyang ama na isang retiradong guro.
Bukod sa kaniyang ama, naging inspirasyon din niya ang kaniyang mga guro para magturo.
Instructor ngayon sa isang pamantasan si Landicho sa Pinamalayan, Oriental Mindoro. Pero dahil pumasa sa LET, matutupad na ang pangarap niyang makapagturo sa public school.
Hinihintay na lang ni Landicho ang kaniyang oath taking at pagbibigay ng kaniyang lisensiya.
"Isipin lang lagi natin na may bagong umaga. May araw na sisikat para sa atin. Maging matibay lang tayo. Kasi 'yung ganyang pagsubok matuto tayong maghintay. Patience lang ang kailangan," payo ni Landicho. --FRJ, GMA Integrated News