Nag-alok si Davao City Representative Paolo Duterte ng P1 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay at panggagahasa sa isang lady architect, na nakita ang bangkay na tinakpan ng mga dahon ng saging noong nakaraang linggo sa nasabing lungsod.
Nakita ang bangkay ng 28-anyos na biktimang si Vlanche Marie Bragas, sa banana plantation sa Barangay Dacudao sa Calinan, Davao City noong Mayo 17.
"As we, the Davaoeños, continue to seek justice for Miss Bragas, we offer a P1 million reward to anyone who can tell us the whereabouts of the suspect/s," sabi ni Duterte sa isang pahayag.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Duterte sa pamilya ng biktima.
"Ms. Vlanche Marie Bragas is an ordinary Davaoeña who strives hard every day for her future and her family. I together with the Bragas family mourn her death," dagdag ng kongresista.
Bago makita ang kaniyang bangkay, sinabi ng mga magulang ni Bragas na nakapag-text ang kanilang anak na pauwi na siya at nakasakay na sa tricycle.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng binuong special investigation task group ng pulisya.— FRJ, GMA Integrated News