Isang mangingisda na unang iniulat na nawawala ang nakita ng search and rescue team na pinapapak ng mga pating sa karagatang sakop ng Lubang sa Occidental Mindoro.
Sa ulat ng Deniece Abante sa Mornings with GMA Regional TV nitong Lunes, sinabi ni Lubang Mayor Michael Orayani, na Mayo 10 nang ireport sa munisipyo ng mga mangingisda na nawawala ang kanilang kasamahan.
Namamana umano ng isda ang biktima nang bigla na lang nawala nang hapong iyon. Nang hindi umano makita ng mga mangingisda ang kanilang kasamahan, iniulat nila ito sa munisipyo kinabukasan.
Kaagad namang bumuo ng search and rescue team ang lokal na pamahalaan para hanapin ang biktima sa karagatang sakop ng Lubang.
Noong Mayo 11, bigo silang nakita ang biktima. Pero tanghali noong Mayo 12, nakita ang pana na gamit ng biktima na nakatusok umano sa mga bato sa ilalim ng dagat.
Kinalaunan, nakita na ang katawan ng biktima na inaatake ng mga pating.
Ayon kay Orayani, maraming tiger shark sa lugar kung saan nakita ang katawan ng biktima.
"Napakaraming tiger sharks na nakapaligid, kinakain na yung katawan," ayon sa alkalde.
Tanging parte na lang ng katawan ng biktima na mula baywang paibaba ang nakuha ng mga awtoridad.
Iniuwi sa pamilya ng biktima ang natitirang bahagi ng katawan nito na kaagad din umanong inilibing.--FRJ, GMA Integrated News