Dalawang Amerikanong pugante ang natunton at inaresto sa hiwalay na operasyon, at iniimbestigahan kung may kaso sila sa bansa bago i-deport.
Ayon sa ekslusibong report ni John Consulta sa 24 Oras Weekend, mabilis na inaresto ng Fugitive Search Unit ng Bureau of Immigration ang US national na si Rick Lee Crossby sa kanyang tinutuluyang hotel sa Palawan.
Wanted si Crossby sa Florida dahil sa mga kasong racketeering, organized scheme to defraud, at money laundering.
Inaalam ng BI kung may mga Pilipinong na-recruit si Crossby para sa kanyang iligal na operasyon.
"Matagal na siyang pabalik-balik dito sa atin. Ang last entry niya ay 2019 pa," ani BI-FSU chief Rendel Sy. "Nag-issue ang FBI ng warrant sa kanya noong 2020, and from there di na siya bumalik ng US."
Ayon kay Sy, nag-set up ng kumpanya si Crossby na nag-aayos umano ng credit score ng mga Amerikano. "Sinasabing 'yung mga kliyente nila nagbabayad from $3,000 to $5,000 upang i-manipulate ang kanilang credit score sa America."
Arestado naman sa hiwalay na operasyon sa Maynila ang isa pang Amerikanong pugante, Jason Clint Reed.
"Wanted [si Reed] sa US sa pagpapakalat ng malalaswang video at pictures. Bale 2015 pa siya wanted sa US, 2014 pa siya nandito sa atin," sabi ni Sy.
Inaalam pa ng BI kung may local cases ang dalawa para masimulan na ang pagproproseso ng kanilang deportation. — BM, GMA Integrated News