Pinatay umano sa saksak ng isang Canadian national ang kaniyang misis na Pinay sa loob ng kanilang bahay sa Bacolod City. Ang suspek, nasawi rin at gumamit pa umano ng pepper spray para hindi makapasok ang mga rumespondeng awtoridad.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Liezel Demerin St. Jean, 49-anyos, na magdiriwang sana ng kaarawan sa Sabado.
Suspek naman ang kaniyang mister na si Ronald St. Jean, 55, na nagsaksak din umano sa sarili.
Nangyari ang krimen sa tahanan ng mag-asawa sa Barangay Singcang Airport, at nasaksihan pa umano ng dalawa nilang anak na menor de edad.
Ayon sa kasambahay na lalaki ng mag-asawa, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa kaninang 6:00 am pag-uwi ni Liezel mula sa trabaho.
Nauwi ang naturang pagtatalo sa pananaksak umano ng Ronald sa kaniyang asawa. Nakalabas naman ang kanilang mga anak para humingi ng saklolo.
Nang dumating ang mga awtoridad, pinasusuko nila si Ronald pero gumamit umano ito ng pepper spray kaya hindi kaagad siya napasok sa bahay ang asawa.
Pagkalipas ng ilang oras, nailabas na ng bahay ang mag-asawa na parehong sugatan, at pumanaw ang dalawa sa ospital.
Problemang pinansiyal ang isa sa mga tinitingnan motibo ng mga awtoridad na ugat ng pagtatalo ng mag-asawa na nauwi sa krimen. --FRJ, GMA Integrated News